MANILA, Philippines - Sa taong 2011 kumalas si Iris Ranola sa anino ng mas tiningalang lady cue artist sa bansa na si Rubilen Amit.
Ang pagkapanalo ng dalawang ginto sa mga events na dinomina ni Amit sa South East Asian Games (SEAG) ang nagtulak sa tubong Zamboanga na si Ranola na makagawa na ng pangalan.
“Hindi ko po inaasahan na mangyayari ito. Ginawa ko lang ang lahat ng dapat kong gawin,” wika ng 26-anyos na pool player na naglalaro rin sa ilalim ng Aristeo Puyat Stable.
Nagpapasalamat din si Ranola sa oportunidad na mapasama sa national team dahil ang panalong nakuha na may kaakibat na P200,000 insentibo ay makakatulong para maipagamot ang amang may throat cancer.
“Very timely po ang pagkapanalo ko dahil may sakit ang aking ama,” ani pa ni Ranola.
Hindi naman kataka-taka kung bakit nahilig si Ranola sa paglalaro ng pool dahil ang kanyang ama ay may pool table at siya mismo nagturo sa kanya ng tamang tumbok.
Lumabas ang lahat ng husay ni Ranola sa SEA Games at sa larangan ng 8-ball singles event ay una siyang nagpasikat nang kumubra ng limang panalo patungo sa unang gintong medalya.
Muntik nang hindi napasama sa delegasyon, si Ranola ay nanalo kina Huynh Thi Ngoc Huy ng Vietnam, 5-1, Suhana Dewi ng Malasyia, 5-4, Angelina Magdalena ng Indonesia, 5-3, at laban kay Amanda Rahayu ng host Indonesia, 5-1, tungo sa unang ginto.
Sinuwerte naman si Ranola na nag-bye sa first round bago sinimulan ang kampanya sa 9-ball laban kay Chonticha Chitchom ng Thailand gamit ang 7-2 iskor.
Hindi na naawat pa si Ranola na isinunod si Huy ng Vietnam, 7-3, sa semifinals at itinakda ang finals bout laban sa kababayang si Amit na kanya ring iginulo sa 7-2 iskor.
Sa kanyang ipinakita, masasabing mas tumibay ang laban ng mga lady cue-artist dahil sa ngayon ay hindi lamang isa kundi dalawa na ang pambato ng bansa kapag ipagpapatuloy pa ang women’s billiards sa Myanmar na siyang host sa 27th SEA Games.