Ilang araw na lamang titiklop na ang 2011, at magsisimula ang panibagong taon na 2012.
Napakaraming makukulay, malungkot at masayang pangyayari sa sports sa 2011.
Siguradong napakarami ng mga sports columnist, reporters at editors ang nagsusulat ng kanilang listahan para sa kanilang mga hiling na mangyari sa 2012 para sa sports.
At siyempre, sasali tayo dito. Kaya narito ang ating listahan ng mga hiling natin para sa 2012.
Philippine Basketball Association (PBA)--umangat pang lalo ang gate receipts kasama na ang pagbabalik ng popularidad nito.
PBA Commissioner Salud--Mas marami pang maisip na inobasyon upang mas maging exciting ang laro sa PBA.
Philippine Sports Commission (PSC)--Pagrerebisa at pag-develop pa ng mas kompetitibong programa para sa sports. Hanggang ngayon ay wala pa ring masasabing ‘matinong’ programa ang PSC. Ang nakikita lamang natin ay ang pinagtagpi-tagping programa na walang ngipin, sa madaling salita, ampaw.
PSC Chairman Richie Garcia--Lakas ng loob kung saan man mapunta. Napakalaking balita kasi ngayon na nais siyang palitan ni President Benigno Aquino III dahil sa napakasamang ipinakita ng mga atleta sa nakaraang Sotheast Asian Games sa Indonesia.
Philippine Olympic Committee-- Pagkakaroon ng malinaw na pananaw sa kanilang mandato. Na kahit pa may awtonomiya ang POC ay may pananagutan pa rin ito sa performance ng mga athletes.
POC president Peping Cojuangco – Malinaw na isip upang maipakita na ang liderato ng POC ay walang pinapanigan kung hindi ang pagpapalakas ng sports.
Go Teng Kok--Iwas muna sa kontrobersya upang mapagtuunan ng pansin ang gawain sa PATAFA.
Philippine Azkal--Isang tunay na kampeonato upang maipakita na hindi lamang sila magandang lalaki, kung hindi tunay ding kampeon.
Cong. Manny Pacquiao--Tunay na laban kay Floyd Mayweather Jr. Hindi sa salitaan lamang.
Philippine Dragon Boat team--Marami pang medalya. Kahit na inaapi ay hindi sumusuko.
Nikki Coseteng at Mark Joseph – Pagkakasundo upang tumino naman ang swimming association. Sayang ang inilalaan na pondo sa swimming dahil nauuwi lamang ito sa wala. Nasisira ang morale ng swimmers dahil sa patutsadahan nila.
Philippine athletes--Mas magandang performance sa lahat ng local at internasyunal na kompetisyon. Manatili sana sa inyong isip na kayo ay bayani ng Pilipinas.
Ito ang ating munting listahan ng hiling para sa 2012.
Pagkatapos ng taong 2012, tingnan natin kung may natupad dito.