MANILA, Philippines - Para maiiwas sa anumang kaguluhan, ihihiwalay si Floyd Mayweather, Jr. sa 3,400 bilanggo ng isang linggo sa Clark County Detention Center sa Las Vegas, Nevada.
Sinabi ni prison officer Bill Cassell na gusto lamang nilang matiyak ang kaligtasan ng 34-anyos na si Mayweather, nahatulan ng 90 araw na pagkakabilanggo kamakalawa mula sa domestic violence case na isinampa ng kanyang live-in partner noong Setyembre 2010.
Habang nakakulong ay magsusuot ang American five-division champion ng standard-issue blue jail jumpsuit na may nakasulat na letrang CDCC at orange na tsinelas.
“He’ll be held in a standard administrative segregation cell, about 6-by-10 feet or about the size of a small walk-in dosed,” sabi ni Cassell kay Mayweather, sisimulan ang kanyang sentensya sa Enero 6, 2012.
Idinagdag pa ni Cassell na puwedeng magdeposito si Mayweather ng anumang halaga sa kanyang jail account para ipambili ng kanyang pagkain, sabon at iba pang pangangailangan habang nasa CDCC.
Ang reading glasses na nagkakahalaga ng $7 dolyar ang pinakamahal na bagay na mabibili sa CDCC, ayon kay Cassell.
Sa kanyang unang linggo sa CDCC ay bibigyan si Mayweather ng isang oras sa labas ng kanyang kulungan at panahon para magpapawis sa exercise yard.
Sakaling magiging maayos ang ugali ng minsang tinanghal na ‘pound-for-pound champion’ ay maaari pang humaba ang kanyang oras sa exercise yard, ayon kay Cassell.
Kung magtataglay ng magandang pag-uugali at kasipagan sa loob ng CDCC, maaaring mabawasan ng 30 araw ang sentensya ni Mayweather at posibleng makalabas siya sa Marso ng 2012.