Patriots inangkin ang 3rd semis berth sa NCRAA
MANILA, Philippines - Inangkin ng La Salle-Dasmariñas ang ikatlong puwesto sa semifinals sa 19th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) men’s basketball nang pataubin ang Philippine School of Business Administration sa overtime, 91-85, kahapon sa Olivarez College gym sa Sucat, Parañaque.
Dalawang errors ng Jaguars ang siyang ginamit ng Patriots para makahulagpos ng panalo tungo sa ikatlong panalo sa anim na laro.
Si Carlos Tabaquero ay humirit ng lay-up habang isang tres ang pinakawalan ni Manuel Sebastian upang maisulong ng Patriots ang 14-8 palitan sa overtime.
Nagkatabla ang La Salle Dasma at Rizal Technological University sa ikatlong puwesto pero ang Patriots ang siyang umokupa sa nasabing lugar dala ng mas mataas na tiebreak record.
May 27 puntos si Jeoffrey Acain habang si Jeffrey Manuel ay may 25 puntos para sa nanalong koponan sa ligang suportado ng Mikasa, Molten Balls at ANI AgriNurture Inc.
Naunang nagdomina ang PSBA, 44-58, pero nakabawi ang Patriots at nahawakan pa ang 77-75 kalamangan bago itinabla ng layup ni Ken Arce ang labanan may 6.1 segundo sa orasan.
Nasa ikaapat na puwesto ang RTU na nag-forfeit ng kanilang laro laban sa Jaguar.
Dinesisyunan ni league president Gerry Sergio ng DLSU-Dasmariñas na inabandona ng RTU ang laban matapos ma-injured ang isa nilang manlalaro dala ng pisikal na laro.
Ang Philippine Merchant Marine School Mariners ang siyang number one semifinalist kasunod ng Olivarez College Sea Lions.
Sa format, ang number three team ay haharapin ang number six habang ang four at five ang maglalaban at ang mananalo ang siyang makakatapat ng dalawang nangungunang koponan.
Ang PSBA ang lumabas bilang ikalimang semifinalist habang ang PATTs at Emilio Aguinaldo College-Cavite ang nagtatagisan para sa ikaanim at huling puwesto.
- Latest
- Trending