MANILA, Philippines - Hindi tutol si Philip Ella Juico kung maulit ang sistemang ipinairal sa 26th SEA Games sa mga planong paglahok ng Pambansang siklita sa malalaking kompetisyon sa labas ng bansa sa 2012.
Matatandaan na nagkaroon ng pool ng siklista na hinawakan ng POC para sa SEA Games sa Indonesia dahil patuloy ang pagkakaroon ng dalawang grupo sa cycling ng bansa.
Si Juico ay pangulo ng ICFP habang si Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino ang pinuno ng PhilCycling at siyang kinikilala ng international federation UCI.
Sa naunang MOA, pinahintulutan ni Tolentino ang lahat ng siklista na magkaroon ng UCI licenses at hindi naman nasayang ito dahil nanalo ang Pilipinas ng dalawang ginto na hatid nina Alfie Catalan (4-km Individual Pursuit) at John Mier (40-km points race).
Sina Catalan at Mier ay parehong nasa pangangalaga ng grupo ni Juico.
“I think we have to formulate again a Memorandum of Agreement to ensure our cyclists will be able to see action in international cycling tournaments next year,” wika ni Juico na dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
Inaasahang kikilos naman ang POC sa problema sa liderato matapos ang Kapaskuhan.