Cayanan outstanding swimmer sa Coseteng swimfest
MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang paglahok ng 12-anyos na si Paula Cayanan nang hirangin bilang outstanding female swimmer sa idinaos na 1st Senator Nikki Coseteng Swimming Championship na ginawa noong Linggo sa Rizal Memorial Pool.
Naglalaro sa koponan ng Joey Andaya Seagulls, si Cayanan ay nanalo ng tatlong ginto at isang pilak at ang kanyang 28.59 segundong tiyempo sa 11-12 girls 50m free ang nagselyo sa kanya ng parangal.
“Sa kanyang edad ay nakakagawa na siya ng 28 seconds sa 50m distance, ibig sabihin nito ay malaki ang potensyal niyang mapababa pa ito kung mabibigyan ng sapat na training,” wika ni tournament director at Olympian Susan Papa.
Ang lumabas na lady tanker na may pinakamaraming gintong napanalunan ay si Denjylie Cordero na winalis ang apat na events na nilahukan sa 18 and over age group.
Nakasama ng 19-anyos na si Denjylie ang 16-anyos na si Delia Cordero na nagwagi ng tatlo pang ginto upang tulungan ang Diliman Preparatory School na lumabas bilang pinakamahusay na swimming club sa 49 na naglaban nang magkaroon ng 10 ginto sa 48 finals na pinaglabanan.
Kinatampukan ang dominasyon ng DPS na pinangungunahan din ni Coseteng ang pagkapanalo bilang Oustanding Male swimmer ni Kevin Claveria na nanalo ng ginto sa boys 15-17 age group 200m free (2:07.47) at 100m butterfly (1:01:10)
Ang UP Varsity Swimming Team ay kinapos ng isang ginto para mapantayan ang DPS sa siyam na hinakot at nanguna sa delegasyon si 14-anyos Pricilla Aquino na nagwagi ng apat na ginto sa girls 13 to 14 age group.
Malayong nasa ikatlong puwesto ang Joey Andaya Seagulls sa hinakot na limang ginto.
Ang palaro na suportado rin ng Philippine Sports Commission (PSC) ay isinabay sa idinaos na 59th kaarawan ni Coseteng at hangad nilang tumukoy ng mga batang manlalangoy na may potensyal upang mapasama sa national team at iangat uli ang antas ng swimming sa bansa.
Ang Pilipinas ay kaga-galing sa kawalan ng naku-hang gintong medalya sa idinaos na 26th SEA Games at ito ani ni Coseteng ay dahil sa kawalan ng malawakang grassroots program ng PASA na siyang NSA sa swimming.
- Latest
- Trending