Gomez bigo kay Chang sa PBB Face-Off Series
MANILA, Philippines - Bumigay si Roberto Gomez sa mainit na pagbangon ni Chang Jung-lin ng Chinese-Taipei upang maisuko ang 9-7 kabiguan sa Philippine Bigtime Billiards Face-Off Series kamakalawa ng gabi sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Hinawakan ni Gomez ang 2-0 at 3-1 kalamangan pero hindi niya napangatawanan ang maagang pag-arangkada upang mapatunayan na tama ang betting odds na naglalagay sa kanya bilang dehado sa bakbakan.
Nagkatabla ang magkabilang kampo sa 3-all, 4-all at 6-all at sa 13th rack ay tuluyang inabot ng malas ang tinaguriang ‘Superman’ sa pool nang naisablay ni Gomez ang mahalagang 9-ball sa race -to-9, 10-ball winner’s break format ng kompetisyon.
“Nakalamang siya sa unang pagkakataon sa error ko na iyon at ito ang naging turning point ng laban namin,” pahayag ni Gomez na nakontento sa $2500 premyo.
Nagtabla pa ang dalawa sa 7-7 pero kumulapso si Gomez mula rito at agad na sinamantala ni Chang sa pagwalis sa huling dalawang racks.
- Latest
- Trending