Tiu 'di iiwan ang Smart Gilas
MANILA, Philippines - Magpapatuloy si Chris Tiu sa pagsuot ng Pambansang uniporme sa 2012.
“Yes I want to still play for the national team and hoping that the Smart Gilas II programs will allow me to fulfill my dream of playing in the World Championships or the Olympics,” wika ni Tiu na siyang team skipper ng Smart Gilas Pilipinas at Sinag Pilipinas.
Ang Sinag ay sariwa sa pagkapanalo ng titulo sa 26th SEA Games sa Indonesia habang ang Gilas ay kinapos sa puntiryang puwesto sa London Olympics sa idinaos na FIBA Men’s Championship.
Inanunsyo ng pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Manny V. Pangilinan ang pagpapatuloy sa Gilas program pero hanggang ngayon ay wala pang linaw ang detalye hinggil dito.
Nauna na ring nagpasabi ang PBA ng kanilang kahandaan na tumulong sa paglalaan ng 20 pro players na maaaring hugutin para sa bubuuing national team na maglalaro sa qualifying event sa 2014 FIBA World Championship sa Spain.
Inaasahan naman na makakasama si Tiu sa Gilas II bukod pa sa 6’10 naturalized player Marcus Douthit.
Bagamat nagpasabi ang PBA ng kahandaan na tumulong, masasabing hindi kakapusin ang talentong pagkukunan ng koponan dahil naririyan ang mga collegiate stars na sina Greg Slaughter, Aldrech Ramos, Bobby Ray Parks Jr. at Kiefer Ravena.
- Latest
- Trending