MANILA, Philippines - Sa kabila ng mga alegasyon ng Golden Boy Promotions na walang nangyayaring negosasyon sa pagitan ng Top Rank promotions at ni Floyd Mayweather, Jr. para sa laban kay Manny Pacquiao, iginiit pa rin ni Bob Arum na matutuloy ang mega-fight sa 2012.
“I don’t want to mislead anybody as anything concrete being discussed or decided,” ani Arum kahapon. “We still have these (investor) groups and I’m sorting through their offers and I imagine that Floyd is doing the same on his end.”
Kamakailan ay inihayag ni Golden Boy Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer na walang negosasyong nagaganap sa pagitan ni Arum, ang chairman ng Top Rank, at ng kampo ni Mayweather.
Sinabi pa ni Schaefer na pinaniniwala lamang ng 80-anyos na si Arum ang 33-anyos na si Pacquiao na maitatakda ang kanilang upakan ng 34-anyos na si Mayweather. “But I am really convinced at this point that Floyd wants to fight Manny next and Manny wants to fight Floyd next. When you have two fighters wanting do the fight, in my experience that’s when a fight can come together quickly,” sagot ni Arum.
Tangan ni Pacquiao, nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon, ang 54-3-2 ( 38 KOs) slate, habang dala ni Mayweather ang 42-0-0 (26 KOs) card.
Nananatili pa ring opsyon ni Arum si Mexican Juan Manuel Marquez (53-6-1, 39 KOs) kung babagsak muli ang usapan sa Pacquiao-Mayweather.