MANILA, Philippines - Hindi pa man todo ang ipinakikitang laro, naniniwala na si rookie Philippine Patriots coach Glenn Capacio na magiging balikatan ang labanan para sa kampeonato sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League.
Nasa Bangkok, Thailand ang Patriots upang sumali sa anim na koponang “To Be Number One Basketball Challenge” na nagbukas noong Huwebes sa Nimibutr Stadium.
Nasilayan na niya ang aksyon sa unang araw ng torneo ng Thailand at Saigon Heat at San Miguel Beer at Indonesia Warriors at napansin niya ang kalidad ng mga nasabing koponan.
“Wide open ang labanan sa titulo sa ABL. Lahat ng teams ay malalakas,” wika ni Capacio na uupo bilang head coach kapalit ni Louie Alas na nagdesisyong magpahinga muna.
Dinurog ng Thailand ang Heat, 78-55, habang ang Beermen na ikalawang koponan mula Pilipinas ay nalusutan ang Warriors, 76-70.
Magbubukas ng kampanya ang koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco laban sa Heat na nilaro kagabi.
Hinati sa dalawang grupo ang anim na kalahok at ang mangungunang koponan sa magkabilang dibisyon ang maglalaban sa titulo.
Aminado si Capacio na malaking tulong para tumaas ang morale ng koponan kung madodomina nila ang pre-season event na ang layunin ay makalikom ng pondo para maitulong sa mga nabiktima ng malawakang pagbaha sa Thailand noong nakaraang buwan.
Pero isa ring misyon ng Patriots ay ang pagbuo sa team chemistry lalo pa’t hindi pa sila gaanong nakakapag-ensayo kasama ang mga imports na sina Nakiea Miller at Anthony Johnson.
Opisyal na magbubukas ang liga sa Enero 14 at magkakaroon ng sapat na pagkakataon ang mga koponan na gumawa ng pagbabago sa kani-kanilang koponan matapos ang maigsing liga na ito.