Wizards pinayukod ang Ironmen
MANILA, Philippines - Binigyan ng PC Gilmore ng magandang pagtatapos ang laro sa 2011 sa PBA D-League Aspirants Cup nang iuwi ang 74-64 panalo sa Cobra Energy Drink kahapon sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Ang dikitang laban ay nauwi sa malaking panalo ng Wizards nang ma-outscore nila ang Ironmen, 21-11, may 4:34 sa labanan.
Sina Mark Cagoco at Carmelo Lim ay pumukol ng tig-isang tres para mapagningas ang mahalagang 11-0 run upang maibaon ang kalaban matapos ang huling tabla sa 53-53 na hatid ng buslo ni Michael Noble.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Wizards matapos buksan ang kampanya sa liga tangan ang 0-5 rekord upang manatiling palaban sa isang puwesto sa quarterfinals.
Ang huling tatlong laro ng Wizards ay kontra sa DUB Unlimited, Blackwater at Boracay Rum at kailangan nilang walisin ang nasabing mga laban para manatiling buhay ang paghahabol sa puwesto sa susunod na yugto ng labanan.
Nalaglag ang Ironmen sa 1-8 karta.
PC Gilmore 74 – Mandani 17, Cagoco 16, Celiz 13, Sarangay 6, Acosta 6, Taha 6, Vidal 3, Lim 3, Sorela 2, Foronda 2, Torres 0.
Cobra Energy Drink 64 – Sumido 16, Nimes 15, Cortes 12, Enguio 7, Noble 4, Tagarda 4, Cubo 2, Casajeros 2, Flores 2, Zablan 0, Stevens 0.
Quarterscores: 14-9; 32-30; 45-41; 74-64.
- Latest
- Trending