PANABO CITY, Philippines – Nagpasok ang Davao del Norte ng 11 boxers sa gold medal round ng PLDT-ABAP Mindanao tournament sa agawan sa overall championship dito sa ARF covered court.
Walong pambato naman ng Misamis Oriental ang umabante sa finals sa kabila ng kabiguan ni lightweight Samboy Lao laban sa lahok ng Bula, General Santos sa junior boys semifinals.
Nakasingit ang GenSan ng apat patungo sa finals, habang may tatlo ang Surigao-South Cotabato, tig-dalawa ang Gingoog City at Sarangani, Camiguin, Kidapawan, Calinan (Davao City) at Manolo Fortich at tig-isa sa Aglayan (Bukidnon) at Compostela Valley.
Sina Ricky Vargas, pangulo ng Maynilad Water at ABAP, at Patrick Gregorio, ang ABAP secretary-general, ang magbibigay ng mga medalya kasama si ABAP executive director Ed Picson.
Nakalinya ang mga gold medal round sa kiddies (11 at 12-anyos), school boys (13 at 14), junior boys (15 at 16) at youth (17 at 18).
Ang mga prominenteng lalaban sa finals ay ang Red-and-Blue Davao team na magpaparada kina Rabicyle Gabriel, isang 32-19 winner kay Isagani Llaban ng MisOr sa 46 kilograms sa junior boys division at Rolen Alvan Magarce, pinasuko si Jorson Rapista ng Gingoog sa first round sa 60 kg. lightweight category.
Pinabagsak naman ni bantamweight Jeson Umbal si Davao del Norte bet Radje Tabanao.
May dalawang minuto sa third round nang kumonekta si Umbal ng isang right cross-left straight combination na nagpatumba kay Tabanao.
Ang Visayas edition ng PLDT-ABAP talent search program ay sa Dumaguete City sa Enero ng susunod na taon at ang National Championship ay sa Tagbilaran sa Pebrero.