Walang nangyayaring negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather fight - Schaefer

MANILA, Philippines - Taliwas sa mga paha­yag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na ka­sa­­­lukuyan na silang naki­ki­­pag-usap sa grupo ni Floyd Mayweather, Jr. pa­ra sa laban kay Manny Pacquiao, sinabi ni Richard Schaefer ng Golden Boy Pro­­­motions na pawang ka­si­­nungalingan lamang ito.

Ayon sa Chief Executive Officer (CEO) ng Gol­den Boy, niloloko lamang ng 80-anyos na si Arum ang 32-anyos na si Pacquiao sa pagsasabing ma­­tutuloy ang kanilang upa­­kan ng 34-anyos na si Mayweather sa Mayo 5, 2012.

“He is making up all the­se stories. He is fooling some of these media members over and over again,” ani Schaefer kay Arum. “I couldn’t care less what he says. He’s lying and that’s all I have to say about it.”

Ang Golden Boy Pro­mo­­tions ni Oscar Dela Ho­ya ang naging promoter ni Mayweather sa nakaraan niyang mga laban.

Sinabi kamakailan ni Arum na ilang investors na ang kanyang nakausap na magdadala sa Pacquiao-May­weather mega-fight.

Ngunit ayon kay Schaefer, walang nangyayaring ne­gosasyon para sa natu­rang laban.

“There are no negotiations; they don’t want to do it,” ani Schaefer kay Arum. “He is probably doing it to fool Pacquiao, to make him think there is something going on. There is nothing going on.”

Inihayag kamakailan ng world eight-division champion na si Pacquiao na pirma na lamang ng five-division world titlist na si Mayweather ang kulang pa­ra matuloy ang kanilang sun­tukan.

 Bitbit ni Pacquiao ang 54-3-2 ( 38 KOs) slate, ha­bang hawak ni Maywea­ther ang 42-0-0 (26 KOs) card.

Nagmula si Pacquiao sa isang kontrobersyal na majority decision win laban kay Mexican Juan Manuel Marquez (53-6-1, 39 KOs) noong Nobyembre 13 sa MGM Grand Arena sa Las Ve­gas, Nevada.

Ayon kay Arum, kung hindi matutuloy ang laban kay Mayweather, muli niyang isasalang si Pacquiao sa 38-anyos na si Marquez.

Show comments