Walang nangyayaring negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather fight - Schaefer
MANILA, Philippines - Taliwas sa mga pahayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na kasalukuyan na silang nakikipag-usap sa grupo ni Floyd Mayweather, Jr. para sa laban kay Manny Pacquiao, sinabi ni Richard Schaefer ng Golden Boy Promotions na pawang kasinungalingan lamang ito.
Ayon sa Chief Executive Officer (CEO) ng Golden Boy, niloloko lamang ng 80-anyos na si Arum ang 32-anyos na si Pacquiao sa pagsasabing matutuloy ang kanilang upakan ng 34-anyos na si Mayweather sa Mayo 5, 2012.
“He is making up all these stories. He is fooling some of these media members over and over again,” ani Schaefer kay Arum. “I couldn’t care less what he says. He’s lying and that’s all I have to say about it.”
Ang Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya ang naging promoter ni Mayweather sa nakaraan niyang mga laban.
Sinabi kamakailan ni Arum na ilang investors na ang kanyang nakausap na magdadala sa Pacquiao-Mayweather mega-fight.
Ngunit ayon kay Schaefer, walang nangyayaring negosasyon para sa naturang laban.
“There are no negotiations; they don’t want to do it,” ani Schaefer kay Arum. “He is probably doing it to fool Pacquiao, to make him think there is something going on. There is nothing going on.”
Inihayag kamakailan ng world eight-division champion na si Pacquiao na pirma na lamang ng five-division world titlist na si Mayweather ang kulang para matuloy ang kanilang suntukan.
Bitbit ni Pacquiao ang 54-3-2 ( 38 KOs) slate, habang hawak ni Mayweather ang 42-0-0 (26 KOs) card.
Nagmula si Pacquiao sa isang kontrobersyal na majority decision win laban kay Mexican Juan Manuel Marquez (53-6-1, 39 KOs) noong Nobyembre 13 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Arum, kung hindi matutuloy ang laban kay Mayweather, muli niyang isasalang si Pacquiao sa 38-anyos na si Marquez.
- Latest
- Trending