Texters Nakauna Sa Semis
MANILA, Philippines - Gamit ang kanilang championship experience, bumangon ang Tropang Texters mula sa isang 16-point deficit sa second period upang angkinin ang unang semifinals ticket.
Tampok ang career-high 32 points ni Jayson Castro, tinalo ng nagdedepensa at No. 2 Talk ‘N Text ang No. 7 Barako Bull, 81-79, sa kanilang quarterfinals showdown sa 2011-2012 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Ang mananaig sa quarterfinals match ng No. 3 Petron Blaze Boosters at No. 6 Meralco Bolts ang siyang makakaharap ng Tropang Texters sa isang best-of-seven semifinals series.
Binawian ng Talk ‘N Text ni Chot Reyes ang Barako Bull ni Junel Baculi mula sa kanilang 86-100 pagyukod sa kanilang unang pagtatagpo noong Oktubre 19.
Mula sa 26-42 pagkakabaon sa Energy sa 3:54 ng second quarter buhat sa three-point shot ni Sunday Salvacion, matiyagang nakalapit ang Tropang Texters sa likod nina 2011 PBA Most Valuable Player Jimmy Alapag, Kelly Williams at 6-foot-8 Japeth Aguilar sa pagtatapos ng third period, 56-59.
“I think the key we were able to stay a striking distance in the second half,” sabi ni Reyes, nakahugot rin ng 15 markers kay Alapag, 14 kay Williams at 10 kay Aguilar.
Huling natikman ng Barako Bull ang lamang sa 62-58 sa 11:16 ng final canto mula sa tres ni Danny Seigle bago naagaw ng Talk ‘N Text ang unahan sa 65-62 patungo sa kanilang 75-69 bentahe sa 2:12 nito galing sa tres ni Castro.
Pinangunahan naman ni two-time PBA MVP Willie Miller ang isang 10-4 atake ng Energy para makatabla sa 79-79 sa huling 23.4 segundo kasunod ang drive ni Castro laban kay rookie Dylan Ababou sa natitirang 5.3 segundo para sa final score.
Muling tatapak sa basketball court ang Tropang Texters sa pagsisimula ng semifinals series sa Enero 4, 2012.
Talk ‘N Text 81 - Castro 32, Alapag 15, Williams 14, Aguilar 10, Carey 8, Fonacier 2, Dillinger 0, Reyes 0, Alvarez 0, Lao 0.
Barako Bull 79 - Pennisi 16, Miller 15, Pena 12, Seigle 9, Allado 9, Ababou 6, Arboleda 6, Salvacion 3, Gatumbato 2, Artadi 1, Aquino 0, Najorda 0.
Quarterscores: 17-25; 30-44; 56-59; 81-79.
- Latest
- Trending