MANILA, Philippines - Kagaya ng Barangay Ginebra, rumaratsada rin si point guard Mike Cortez.
Sa kanyang pagtulong sa itinayong five-game winning streak ng Gin Kings sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup, hinirang ang 2003 top draft pick na si Cortez bilang Accel-PBA Player of the Week.
Ito pa lamang ang ikalawang parangal kay Cortez matapos noong Enero sa 2005-06 Fiesta Conference habang naglalaro pa siya sa Alaska Aces.
“Mike has always been a good player,” sabi ni coach Siot Tanquingcen sa Fil-Am guard na naging bahagi ng dalawang sunod na panalo ng Ginebra laban sa Barako Bull at nagdedepensang Talk ‘N Text.
Nakamit ng Ginebra ang No. 4 berth sa kanilang best-of-three quarterfinals series ng No. 5 Rain or Shine.
“I think he’s back playing comfortable with his teammates and he is being aggressive, which is good for him because he has the capability to make an impact in the game,” wika ni Tanquingcen kay Cortez.
Nagtala si Cortez ng two-game averages na 17.0 points, 5.5 rebounds, 3.0 assists at 1.5 blocks mula sa mga dati niyang 10.3 points, 3.6 assists at 3.7 rebounds.
Nagsalpak rin ang dating La Salle Green Archer ng 21-for-42 shooting sa three-point range sa naturang limang sunod na panalo ng Gin Kings.
Ang 31-anyos na si Cortez ay unang naglaro sa Magnolia, SMBeer at Air21 bago lumipat sa Ginebra sa 2009-10 PBA season.