MANILA, Philippines - Umangat uli sa solo liderato ang Cebuana Lhuillier nang kalusin nila ang Boracay Rhum, 76-63, sa PBA D-League Aspirant’s Cup kahapon sa San Juan Gym.
May 12 puntos sa kabuuang 19 sa laro ang ibinagsak ni Vic Manuel sa ikatlong yugto na kung saan iniwan na ng Gems ang Waves, 59-48, tungo sa paghablot ng ikapitong panalo sa walong laban.
“Nakuha namin ang laro sa second half kaya nakabawi matapos ang slow start sa first half,” wika ni Gems coach Luigi Trillo.
May 24 puntos si Terrence Romeo habang 14 puntos at 10 assists ang ibinigay ni Jai Reyes sa nanalong koponan.
Samantala, tinapos ng PC Gilmore ang limang sunod na kabiguan gamit ang 82-80 panalo sa Café France sa unang laro.
Sina Macky Acosta, Jett Vidal at Eugene Torres ang mga nagtulung-tulong nang bumangon ang Wizards mula sa 50-68 iskor para makapasok na rin sa win column.
Sa 1-5 baraha, nananatili pang buhay ang kanilang paghahangad na mapasama sa anim na koponan na aabante sa susunod na yugto ng kompetisyon.
May 15 puntos at 12 rebounds si Acosta at walo rito ay ginawa sa huling yugto at tinapos ng Wizards ang labanan gamit ang 16-0 run.
Nalaglag ang Bakers sa 2-4 karta at nasayang ang 30 puntos, 9 rebounds at 8 assists ni Jeff Viernes. (Angeline Tan)
Cebuana Lhuillier--Romeo 24, Manuel 19, Reyes 14, Jeffries 6, Mangahas 4, Celeda 3, Cruz 2, Hayes 2, Taha 2, Llagas 0.
Boracay Rum 63--Bandaying 15, Eguilos 12, Sabelina 7, Siruma 6, Hermosisima 5, Rosopa 4, Khobuntin 4, Cornejo 4, Abaya 2, Baloran 2.
Quarterscores: 17-19; 29-33; 59-48; 76-63.