MANILA, Philippines - Mas nakitaan ng katatagan ang host University of Perpetual Help System Dalta sa deciding fifth set kontra sa Emilio Aguinaldo College tungo sa 28-26, 25-17, 16-25, 22-25, 15-12 panalo sa pagpapatuloy ng 87th NCAA women’s volleyball kahapon sa Letran Gym.
“Alam naming mahirap na laban ito dahil ang Lady Generals gaya namin ay hindi pa natatalo bago ang labang ito. It’s a matter of hanging tough and staying in control,” wika ni coach Mike Rafael.
Ito na ang ikalimang sunod na panalo ng Lady Altas habang nalaglag ang EAC sa 4-1 baraha.
“The school and the whole Perpetual community is proud of them and hopefully they could keep it up,” wika ni League president at Policy Board chairman Anthony Tamayo sa ipinakikita ng kanilang mga koponan sa tatlong dibisyon.
Ang Altas na siyang nagdedepensang kampeon sa kalalakihan ay hindi pa rin natatalo matapos ang tatlong laro.
Pinuntirya ng men’s team ang ikaapat na sunod na panalo laban sa Generals kahapon.
Ang Junior Altas ay may 1-0 karta upang magkaroon ng katatagan ang paghahangad ng Perpetual Help na walisin ang tatlong dibisyon.
Nauna nang humataw ang Perpetual sa beach volley nang pumasok ang kanilang men’s, women’s at juniors team sa finals pero tanging ang women’s team lamang ang nanalo at ito ang nais ding higitan ng kanilang indoor volleyball team.