Ramos babandera sa Patriots sa ABL
MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Smart Gilas Pilipinas member Aldrech Ramos ang gagawing kampanya ng Philippine Patriots sa ikatlong edisyon ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) na magbubukas sa Enero 14.
Sa pangunguna ng bagong coach na si Glen Capacio isang malawakang tryouts ang ginawa ng Patriots para palakasin ang laban ng koponan na maghahangad na maibalik sa kanila ang titulong hinawakan sa unang edisyon ng liga.
Matatandaan na natalo ang koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco sa kamay ng Chang Thailand Slammers sa nagdaang season.
Makakasama ni Ramos ang mga ex-PBA players na sina Marcy Arellano, Reed Juntilla, Jonathan Fernandez at Eddie Laure na tulad ni Ramos ay naglaro sa Harbour Centre sa PBL.
Magbabalik naman ang mga dating Patriots na sina Warren Ybañez at Rob Wainwright habang sina dating Chang player Ardy Larong, Erick Rodriguez, Eder Saldua at 6’6 Angel Raymundo ang kukumpleto sa koponan.
Si Ramos na manlalaro rin ng FEU ang siyang magiging puwersa ng koponan dahil sa angking husay nito sa pagbuslo sa labas bukod pa sa pag-atake sa ilalim.
“He has improved tremendously since the last time I handled him,” wika ni Patriots coach Capacio.
“He can hurt you with his soft jumpers from the medium range,” wika naman ni Romero.
Mas mabigat ang laban sa ikatlong season dahil 8 koponan na ang kasali at ang Pilipinas at Thailand ay may tig-dalawang teams.
Ang San Miguel Beer na sinasabing pangungunahan ni 6’9” University of Cebu center Junmar Fajardo ang makakaribal ng Patriots sa bansa habang ang Bangkok Cobras ang isa pang expansion team ng Thailand.
Kasali na rin ang Vietnam gamit ang Saigon Heat habang ang iba pang regular teams na magbabalik ay ang Singapore Slingers, KL Dragons at Indonesia Warriors.
Makikilatis ang husay ng Patriots team sa paglahok nila sa isang fund raising basketball tournament sa Bangkok na katatampukan din ng Slammers, Cobras at San Miguel Beer.
- Latest
- Trending