MANILA, Philippines - Nakatakdang pag-agawan ng mga bigating long distance runners ang korona at ang premyong P300,000 sa 35th National MILO Marathon Finals ngayong umaga sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Inaasahang makakalaban ng mga local bets ang mga Ethiopian at Kenyans.
Idedepensa ni 3-time National MILO Marathon titlist Eduardo Buenavista, nabigong manalo ng gintong medalya sa nakaraang 26th Southeast Asian Games sa Indonesia bunga ng dehydration, ang kanyang korona.
Ang 33-anyos na si Buenavista ng Sto. Niño, South Cotabato ay ang kasalukuyang record holder ng MILO Marathon mula sa kanyang bilis na 2:18:53.
Makakasabayan ni Buenavista si Ethiopian runner at first time Milo Marathon participant Mikael Tesfaye, nagsumite ng pinakamabilis na tiyempong 1:09:31 sa 21-km elimination leg sa Cebu City.
Si two-time National MILO Marathon Queen Jho-Ann Banayag ang record holder sa women’s division sa kanyang 2:48:06 oras na itinala niya sa 2006 National Milo Marathon Finals.
Itataya ni Flordiliza Donos ang kanyang titulo laban kay Banayag at kay Ethiopian Genet Agtew, nagrehistro ng 1:24:12 sa 21-k qualifying leg sa Cebu.
Si Kenyan James Tallam ang nanguna sa men’s 42-km Manila qualifying leg noong Hulyo sa kanyang oras na 2:28:40, habang si Banayag ay nagtala ng 2:53:35 sa women’s class.