MANILA, Philippines - Isa pang Donaire ang nagpamalas ng kanyang angking galing para hirangin ngayon bilang kampeon ng WBC Latino interim flyweight champion.
Si Glenn Donaire, na nakatatandang kapatid ng kasalukuyang WBC/WBO bantamweight champion na si Nonito, ay nagkaroon ng makulay na pagbabalik nang humirit ng ninth round TKO laban kay Alex Sanchez ng Puerto Rico sa labang isinagawa kahapon sa Kissimmee Civic Center sa Florida, USA.
Ang dalawang nagpanagupa ay parehong nanggaling mula sa tatlong taong pamamahinga ngunit mas nasa kondisyon si Donaire na kilala rin sa taguri bilang “The Filipino Bomber”, para makuha ang tagumpay at ang kaakibat na titulo.
Ang panalo ay nag-akyat sa karta ni Donaire sa 18 panalo matapos ang 23 laban bukod pa sa 10KOs habang ang 38-anyos na si Sanchez, dating WBO minimumweight champion, ay lumasap ng ikawalong pagkatalo sa 40 laban.
Nagpasya nang huwag tumayo sa kanyang upuan si Sanchez na sobrang pahirap ang inabot sa kamay ng Filipino boxer.
Sa second round ay dalawang beses na itong bumuwal bago napahirapan si Sanchez ng mga jabs sa mga sumunod na rounds.
Huling lumaban si Donaire noon pang Hulyo 12, 2008 laban kay Ulises Solis ng Mexico at nabigo siyang agawin ang IBF light flyweight title nang matalo sa pamamagitan ng unanimous decision.
On and off ang boxing career ni Donaire at ang pagbabalik na ito ay ikalawa niyang gagawin dahil huminto na rin siya nong 2006 matapos mabasagan ng panga at tumigil sa laban sa sixth round kontra kay Vic Darchinyan para sa IBF at IBO flyweight title.
Sa ipinakita, hindi malayong magpapatuloy pa sa pagbo-boxing si Glenn at kung papalarin ay hindi malayong magkaroon ng dalawang Donaire na hiranging kampeon sa mundo ng boksing.