MANILA, Philippines - Halos 10 taon makalipas ang una niyang pag-akyat sa Mt. Kilimanjaro sa Africa noong 2002, tatangkain ni veteran mountaineer Romi Garduce na muling ilagay ang Pilipinas sa global map.
Nakatakdang akyatin ng 42-anyos na si Garduce ang Vinson Massif sa Antartica kasama ang GMA Network, Inc. at ang kaibigang si Levi Nayahangan.
Si Nahayangan ang magdodokumento ng kanilang pag-akyat ni Garduce gamit ang isang camera at susuportahan ng Primer Group of Companies.
Ang Vinson Massif ay may taas na 16,067 feet at nangangailangan ng matinding preparasyon, ayon kay Garduce, isang IT (Information Technology) expert sa Procter and Gamble.
“Actually, hindi pa tapos ‘yung training ko. Nagsisimula pa lang ako kumbaga two weeks before ako umalis patungong Antartica,” wika ni Garduce, unang umakyat ng bundok noong 1991 bilang miyembro ng University of the Philippines Montaineers (UPM).
Unang inakyat ng tubong Balanga, Bataan ang Mt.Kilimanjaro sa Africa noong 2002 na may taas na 19,340 feet kasunod ang Mt. Aconcagua sa South America (22,841) noong 2005, ang Mt. Everest (29,035) sa Nepal noong 2006, ang Mt. Elbrus (18,510) sa Europa noong 2007, ang Denali Peak (20,320) sa North America noong 2008 at ang Mt. Kosciousko (17,025) sa Australia noong 2008.
Huling narating ni Garduce ang Carstenz Pyramid (16,023) sa Indonesia, ang pinakamataas sa Australia/Oceania region, noong Hulyo nitong taon.
“Hindi ko na iniisip kung ako ang magiging unang Pinoy, o record itong gagawin ko,” ani Garduce.”It’s really the experience na ginagawa ko kasi I love climbing, I love the adventure. Kumbaga you’re putting you in touch with nature, exposing yourself with the different culture.”