MANILA, Philippines - Hawakan ang solong ikalawang puwesto ang nakataya sa pagitan ng Lyceum at Letran sa pagpapatuloy ng 87th NCAA women’s volleyball ngayon sa Letran Gym sa Intramuros, Manila.
Magtutuos ang Lady Pirates at Lady Knights sa ikalawang laro sa limang larong nakahanay sa maghapon at ang mananalo ay aangat sa standings sa 3-1 baraha.
Kasalo ngayon ng Lyceum at Letran sa ikalawang puwesto sa 2-1 baraha ang mga pahingang San Beda at Arellano kaya’t tiyak na magiging mahigpitan ang bakbakan sa larong itinakdang masilayan sa ganap na alas-9 ng umaga.
Sariwa sa tagumpay ang Lady Pirates at Lady Knights nang kunin ng una ang 25-17, 25-12, 25-11, straight sets panalo laban sa Mapua Lady Cardinals habang ang huli ay umani ng mahirap na 25-21, 25-21, 12-25, 13-25, 16-14, panalo sa College of St. Benilde.
Sasalang din sa laro ang nagdedepensang San Sebastian Lady Stags na babanggain ang Lady Cardinals dakong ala-1 ng hapon.
Malamig ang panimula ng Lady Stags dahil may isang panalo lamang ito matapos ang tatlong laro.
Dumanas pa ang koponan ng dagok sa kampanya nang mabugbog si coach Roger Gorayeb nang naglaro ang koponan sa San Beda Gym noong Disyembre 1 laban sa host Perpetual Help.
Nasa kasagsagan na ng ikatlong set nang nangyari ang kaguluhan at nagdesisyon na lamang ang pamunuan ng Lady Stags na huwag ng tapusin ang bakbakan para matalo sa labanan.
Si Gorayeb ay inaasahang babalik sa laro at paborito ang Lady Stags dahil ang Lady Cardinals ay hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang apat na laro.
Ang unang labanan sa ganap na ika-8 ng umaga ay sa pagitan ng junior teams ng Lyceum at Letran habang ang men’s teams ng dalawang paaralan ang magtutuos dakong alas-10.
Ang Stags at Cardinals ang siyang tatapos sa mga laro sa araw na ito sa kanilang alas-2 ng hapong sagupaan.