MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni Grandmaster Joey Antonio sa Philippine Sports Commission (PSC) na isantabi ang naunang desisyon ng Philspada na alisin siya bilang head coach ng chess team na maglalaro sa ASEAN Para Games sa Solo, Indonesia mula Disyembre 11 hanggang 22.
Dumulog si Antonio sa tanggapan ni PSC chairman Ricardo Garcia matapos sabihan siya kahapon lamang ni Philspada secretary general Carlos Weber Jr. na siya ay inalis sa talaan at pinalitan ni Nanie Apostol.
Kinukuwestiyon ni Antonio ang hakbang na ito dahil wala man lamang siyang nakuha na paliwanag mula kay Weber kung bakit bigla silang gumawa ng ganitong desisyon.
“Hindi man lamang nila pinaliwanag kung bakit nila ako tinatanggal sa team gayong ako ang pumili ng mga manlalaro isang linggo matapos akong nakabalik mula sa paglahok sa 26th SEA Games,” wika ni Antonio.
Ang chess master ay siyang head coach ng chess team sa ASEAN Para Games mula pa noong 2005 at ang delegasyon ay nakapaghatid na ng 41 gintong medalya.
Kinuwestiyon din niya ang kredensyal ni Apostol na aniya ay walang alam kung larong chess ang pag-uusapan.
“I believe I deserve it more than Ms. Nanie Apostol to head our blind and wheelchaired chess players because she knows nothing about the rudiments in chess,” banat pa ni Antonio.
Inihayag naman ni Garcia na masusi niyang sisipatin ang pangyayari at kung mapatunayan na mali ang aksyon na ginawa ng Philspada ay aalisan nila ang chess team ng suporta sa paglahok sa Para Games.