Viray binigyan ang sarili ng magandang pabaon
MANILA, Philippines - Binigyan ni Jim Viray ng magandang pagtatapos ang paglalaro sa PBA D-League Aspirants Cup nang pangunahan ang RnW Pacific Pipes sa 74-59 panalo sa Cobra Energy Drink kahapon sa San Juan Gym.
May 23 puntos lakip ang 6 of 13 shooting sa 3-point line si Viray para tulungan ang Steel Masters na masungkit ang ikaapat na panalo sa pitong laban.
Ito na ang huling laro ni Viray dahil aalis na siya bukas upang samahan ang asawa sa Australia.
May 14 puntos at 13 rebounds si Raymond Ilagan habang 11 puntos at 10 rebounds ang ibinigay ni Virgil Buensuceso para sa Steel Masters na dinurog ang Ironmen sa rebounding, 54-39.
Sa panalong ito, naha-wakan pa rin ng tropa ni coach Topex Robinson ang ikaanim na puwesto na mahalaga sa liga dahil anim na koponan lamang ang aabante sa Playoffs.
Nalaglag naman sa 0-7 karta ang tropa ni coach Jerry Codiñera.
Sinandalan naman ng Big Chill ang anim na sunod na puntos ni Jopher Custodio para maikasa ang 85-75 panalo laban sa Boracay Rhum sa ikalawang laro.
Isang three point play at 3-pointer ang ibinagsak ni Custodio sa pinakawalang 25-5 bomba upang manalo pa ng double digits ang Super Chargers kahit napag-iwanan sa 60-70 sa kalagitnaan ng huling yugto.
Itinabla ni Jerry Glorioso ang labanan sa 72-all at mula rito ay hindi na napigil pa ang pag-arangakada ng Big Chill upang tumibay pa ang paghahabol sa unang dalawang puwesto matapos maisulong ang karta sa 5-3.
Pacific Pipes 74 – Viray 23, Ilagan 14, Buensuceso 11, Zulueta 6, Racal 5, Delgado 4, Dela Cruz 3, Sanvictores 2, Importante 2, Miranda 2, Maiquez 2, Antonio 0.
Cobra Energy Drink 59 --Cortes 16, Enguio 16, Noble 14, Cubo 4, Sumido 3, Stevens 3, Casajeros 2, Nimes 1, Zablan 0, Flores 0.
Quarterscores: 14-15; 36-24; 57-46; 74-59
- Latest
- Trending