MANILA, Philippines - Kinapos sina dating world champion Biboy Rivera at Liza Clutario sa hangaring mapanalunan ang 2011 Quibica AMF Bowling World Cup na ginaganap sa Northcliff bowling center sa Johannesburg, South Africa.
Si Rivera ay tumapos taglay ang 8536 puntos kasama ang mga bonuses para sa 237.11 average sa men’s division pero sapat lamang ito para malagay sa ikalimang puwesto.
Nasa pang-anim na puwesto naman si Clutario sa kabuuang 7922 puntos o 220.06 average.
Sina Rivera na pumangalawa sa kalalakihan noong nakaraang taon, at Clutario ang mga naging kinatawan ng Pilipinas sa kompetisyon matapos dominahin ang national tournament.
Madaling nakapasok ang dalawang Filipino bowlers sa top 24 at top 8 pero lumambot ang kanilang ipinakita sa sumunod pang walong game na nagdetermina sa mangungunang tatlong bowlers na siyang maglalaban-laban para sa titulo.
Si Tommy Jones ng USA at Aumi Guerra ng Dominican Republic ang nangunguna sa magkabilang dibisyon nang si Jones ay gumawa ng 8977 habang 8703 ang tangan ni Guerra na siyang nagdedepensang kampeon ng palaro.
Nakapasok din sa step ladder sa kalalakihan sina Jason Belmonte ng Australia (8790) at Mykhaylo Kalika ng Ukraine (8635) habang sina Diandra Asbaty ng USA (8246) at Sandra Andersson ng Sweden (8246) ang sa kababaihan.