MANILA, Philippines - Bakas na bakas sa mga mukha ng mga amateur boxers na nag-uwi ng 4 gold, 1 silver at 1 bronze medals sa nakaraang 26th Southeast Asian Games sa Indonesia ang kanilang kasiyahan.
Ito ay matapos nilang makuha ang kanilang mga Aguinaldo mula sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) kamakalawa ng gabi sa kanilang Christmas Party sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Tumanggap ang mga gold medal winners na sina lightweight Charly Suarez, light welterweight Dennis Galvan, pinweight Josie Gabuco at light flyweight Alice Kate Aparri ng tig-P300,000 mula kay ABAP president Ricky Vargas.
Bonus namang P200,000 ang natanggap ng silver medalist na si bantamweight Nesthy Petecio at P100,000 kay flyweight Rey Saludar.
“Sana ay maging maganda ang inyong mga Pasko,” sabi ni Vargas kina Suarez, Galvan, Gabuco, Aparri, Petecio at Saludar, gold medalist sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Ang mga ito ay sa kanilang boxing association pa lamang nanggagaling at hindi pa kasama ang tatanggapin nilang cash incentives mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
“Siyempre po magandang Pasko ito para sa pamilya namin," sabi nina Suarez, Galvan, Gabuco at Aparri. "Iyong iba ilalagay namin sa bangko."
Ayon sa Republic Act 9064, ang mga nakakuha ng gold medal sa SEA Games ay tatanggap ng cash incentive na P100,000, habang P50,000 ang ibibigay sa silver medalist at P10,000 sa bronze medalist.
Sa 2011 SEA Games, kabuuang 36 gold, 56 silver at 77 bronze medals ang nahugot ng Team Phillippines para tumapos bilang pang anim sa overall standings.
Ang Philippine Sports Commission ay nakatakdang maglabas ng P12.1 milyon bilang cash incentives para sa mga gold, silver at bronze medalists sa biennial event.