Kings gustong makaiwas

MANILA, Philippines - Ang pag-iwas na ma­ka­harap ang No. 1 at No. 2 teams sa quarterfinal round ang siyang iniiwasan ng Gin Kings ni Siot Tan­quingcen.

Sumasakay sa isang three-game winning streak, sasagupain ng Barangay Ginebra ang Barako Bull ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang banggaan ng B-Meg at sibak nang Shopinas.com sa alas-5:15 ng hapon sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.

Ang No. 1 at No. 2 teams ang hahawak ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 7 at No. 8 squads, ayon sa pagkaka­sunod, sa quarterfinal round, habang ang No. 3 laban sa No. 6 at No. 4 kontra sa No. 5 ay maglalaro sa best-of-three series.

“The goal is not just to make the quarterfinals,” ani Tanquingcen. “Kailangan maiwasan namin na lumaban against a team with a twice-to-beat advantage. At mabigat ‘yon.”

Ang nagdedepensang Talk ‘N Text ang nakasikwat ng isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals matapos talunin ang Petron Blaze, 80-78, noong Martes.

Huling naging biktima ng Gin Kings ang Meralco Bolts, 81-71, para sa kanilang three-game winning streak.

Bitbit ng Talk ‘N Text ang 10-3 kartada kasunod ang B-Meg (9-4), Petron (9-5), Rain or Shine (8-5), Meralco (8-6), Barangay Ginebra (7-5), Barako Bull (6-7), Powerade (6-8) at mga sibak nang Alaska (3-10) at Shopinas.com (0-13).

Sa unang laro, itataya naman ng Llamados ang kanilang seven-game winning run at ang tsansang masikwat ang ikalawang twice-to-beat advantage sa kanilang pakikipagtagpo sa Clickers.

Ang Barako Bull ni Junel Baculi ang huling pinayukod ng B-Meg ni Tim Cone matapos itakas ang isang 91-90 tagumpay noong Sabado kung saan nagbida si rookie guard Mark Barroca.

Nalasap naman ng Sho­pinas.com ni Franz Pu­maren ang kanilang pang 13 sunod na kamalasan matapos isuko ang 81-88 kabiguan sa Rain or Shine noong Disyembre 4.

Show comments