Amarga triple gold medalist sa athletics
MANILA, Philippines - Hinirang bilang triple gold medalist sa athletics si Marimar Amarga upang katampukan ang patuloy na dominasyon na ginagawa ng host Laguna sa 2011 Batang Pinoy Southern Luzon qualifying meet na nilalaro sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna kahapon.
Si Amarga na naunang nanalo sa girls 100m dash ay ng kampeon din sa 400m run (1:08.2) at triple jump (9.79m) sa torneong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng Smart, Maynilad at Summit Natural Drinking Water.
Hindi naman nagpahuli ang kakamping si Darius Badallo at Gilbert Rutaquio na kinuha ang ikalawang ginto nang manalo sa boys triple jump (12.33m) at 1,500m run (5:00).
Patuloy din ang pagpapasikat ng natatanging lahok ng Antipolo na si Dustne De Vera nang dominahin ang 400m run sa 52.1 segundong tiyempo para maisunod sa panalo sa boys 100m run.
Nagbukas din kahapon ang pool events at ang Laguna ay humataw ng 15 ginto sa 22 events na itinaya.
Nanguna sa paghablot ng tagumpay sina Joshua Casino at Catherine Bondad na nagsanib sa limang ginto.
Hinirang na MVP sa Singapore All Nation Cup sa napanalunang apat na ginto, si Casino ay nanalo sa boys 12-13 50m free (27.41) at 50m butterfly (29.85) habang si Bondad na nanalo ng pitong ginto sa Palarong Pambansa sa Dapitan ay kuminang sa girls 12-13 50m free (30.00) at 100m back (1:14.89) bukod sa pagiging bahagi ng 200m medley relay.
- Latest
- Trending