MANILA, Philippines - Umararo ng 10 sa 11 gintong pinaglabanan ang host Laguna sa larangan ng athletics sa idinadaos na 2011 Batang Pinoy Southern Luzon Qualifying leg kahapon sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Si Jed Joshua Umali ang nagpasimula sa pagpapasikat ng host province sa track and field na nilahukan lamang ng tatlong Local Government Units matapos manaig sa kababayang si Christian Vandebarro sa 2,000m walk sa bilis na 15:47:07.
Ang iba pang nagsipanalo sa una sa dalawang araw ng athletics sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng Smart, Maynilad at Summit Natural Drinking Water ay sina Gilbert Rutaquio (2:15:30) at Jiezele Alcantara (2:39) sa 800m run, Ian Christian Meneses (17.4) at Jonnalyn Duran (19.5) sa 110m at 100m hurdles, Wendell Llames (11.96m) at Charies Mae Violanta (8.51m) sa shotput, Darius Badallo (5.77m) at Joyce Cabaneros (3.85m) sa long jump at Marimar Amarga (13.6) sa girls 100m run.
Ang gintong medalya na nakalusot sa Laguna ay ang boy’s 100m run na kinuha ni Dustine De Vera ng Antipolo City sa bilis na 11.6 segundo.
Tinalo ni De Vera, na naglaro sa Palarong Pambansa sa Dapitan City, ang mga pambato ng host pro vince na sina Jacob Delos Santos at Rex Benedict na may 11.8 at 12.3 segundo tiyempo.
Hindi naman sinayang nina Julius Victorio Cootuaco ng Daet, Camarines Norte at Maria Mendoza ng Laguna, ang paglahok sa apat na araw na torneo na suportado rin ng Milo, Jollibee, The British Council, Standard Insurance, Manila Bulletin, Negros Navigation-Super Ferry, Kids 3 Food Supplement, RELIV Now for Kids at Growee Multivitamins, nang kunin ang ikalawang gintong medalya sa larangan ng archery.
Si Cootuaco ay nangibabaw sa kababayang si John Owen Obias sa 18-meter Olympic round habang si Mendoza ay nanalo kay Jenny Mendoza ng Laguna para masundan ang tagumpay na kanilang naitala sa Double FITA Round.