NEW YORK - Sinabi ni The Ring No. 5-rated pound-for-pound at WBO/WBA lightweight beltholder Juan Manuel Marquez na magrererito na lamang siya kung hindi matutuloy ang kanilang ikaapat na suntukan ni No. 1 pound-for-pound at WBO welterweight champion Manny Pacquiao.
Nagmula ang 38-anyos na si Marquez (53-6-1, 39 KOs) isa isang kontrobersyal na majority decision loss kay Pacquiao (54-3-2, 38 KOs) sa kanilang ‘trilogy’ noong Nobyembre 12.
Sa kanilang unang laban noong 2004, isang draw ang naitakas ni Marquez sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round.
Isang split decision win naman ang nakuha ni Pacquiao sa kanilang rematch noong 2008.
“If Manny Pacquiao wants the fourth fight, I want that fourth fight,” sabi ni Marquez. “But if Pacquiao don’t want to fight with me, maybe I will re-think my future.”
Si Marquez ang ikalawang opsyon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sakaling muling hindi matuloy ang itinutulak na laban nina Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. (42-0-0, 26 KOs) sa Mayo ng 2012.
Ayaw ni Marquez na labanan sinuman kina No. 7-rated junior welterweight at WBC titleholder Erik Morales (52-7, 36 KOs) at The Ring No. 1-rated lightweight Brandon Rios (28-0-1, 21 KOs).
“I don’t like the fight with Erik Morales, I don’t want the fight with Brandon Rios,” sabi ni Marquez.
Sinabi ng Mexican fighter na tanging ang 32-anyos na si Pacquiao lamang ang gusto niyang makatapat.