MANILA, Philippines - Ipinamalas nina Jean Karen Enriquez ng Adamson University at Jerad Docena ng FEU ang husay sa larong chess nang hiranging kampeon sa magkabilang dibisyon at patingkarin ang pagsikad ng City of Manila sa pagtatapos ng NCR elimination sa 2011 Batang Pinoy kahapon sa iba’t-ibang lugar sa Makati City.
Ang dalawang panalong ito ay ilan lamang sa mga panalong kinuha ng City of Manila sa kompetisyon.
Umabot sa 13 ginto ang hinagip ng Manileños sa athletics sa pangunguna ni Jacob Nabong na nagkampeon sa 3,000m run at 800m run.
Sa pagsikat ng Manila sa huling araw at tanging sa larong taekwondo na lamang ang hinihintay, ang nasabing Siyudad ay may nangungunang 50 ginto, 57 pilak at 32 tanso habang ang Quezon City na humataw sa swimming competition ay nalaglag sa pangalawa sa 44-32-16 medal tally.