MANILA, Philippines - Higit sa panalo, ang mapanood na maglaro ng live ang tinitingala sa football na si David Beckham ang isa sa mga alaalang hindi na maiaalis pa sa gaganaping pagkikita ng Azkals at LA Galaxy ngayong gabi sa Rizal Memorial Football Stadium.
Ganap na alas-7:30 ng gabi itinakda ang labanan na tinaguriang Smart Dream Cup 2011 at maituturing ito bilang isa sa pinakamakulay kungdi man pinakamatingkad na nangyari sa Philippine Football.
Si Beckham at ang kanyang koponan ay nasa bansa bilang bahagi ng kanilang Asia-Pacific Tour.
Bago binisita ang Pilipinas, naunang tumungo ang koponan sa Indonesia at tinalo nila ito sa dikitang 1-0 iskor.
Ito ang unang pagkakataon na bumisita sa bansa si Beckham at kanyang inihayag ang paniniwalang tulad sa nangyari sa Indonesia, ang larong ito ay magiging dikitan dahil may mga mahuhusay na manlalaro ang Pilipinas.
“We know that there’s some talented players here and we expect a very difficult game,” wika ni Beckham sa isinagawang press conference kamakalawa sa Shangri-La Hotel sa Makati City.
Kahit ang mga kasapi ng Azkals ay nasasabik na makasukatan ang iniidolo at kanilang inihayag ang kahandaan na maging pisikal kay Beckham at sa mga kakampi nito.
Inihayag naman ni LA Galaxy coach Bruce Arena na ibubuhos niya ang mga mahuhusay na manlalaro sa first half ng labanan at pagsasamahin sina Bechham, Landon Donovan at Robbie Keane upang ipakita na seryoso ang bisitang koponan na manalo sa Azkals.
Ang mga manlalarong ito ang siyang nagtulung-tulong upang makuha ng koponan ang Major League Soccer Cup nang talunin ang Houston Dynamo, 1-0.