MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon ay gagamitin ang Pasig River para mapagdausan ng karera sa dragon boat.
Sa Linggo isusulong ang karera sa nasabing ilog na tinawag na ‘Race to Raise Dragon Boat’ tournament na kung saan isa sa layunin ay makalikom ng pondo para itulong sa rehabilitasyon nito.
Ang Philippine Canoe-Kayak Federation (PCKF) ang siyang utak sa kalahating araw na karera katuwang ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at City of Manila bukod pa sa Intramuros Administration at Philippine Coast Guard.
May 13 koponan na ang nagpatala at isa ring insentibo sa mga maglalaro sa finals sa tatlong kategoryang paglalabanan ay ang pagkakataong makatunggali ang men’s dragon boat team na sariwa pa sa pagkapanalo ng gintong medalya sa 26th SEA Games sa Indonesia.
Binubuo ng manlalarong nanalo sa 2009 World Dragon Boat Championships sa Prague, Czech Republic at manlalaro mula PCKF, nagbunga ang bagong tambalan sa 500-meter men’s category matapos manaig sa Myanmar at Indonesia sa bilis na 1:53.95 tiyempo sa finals.
“Bukod sa pagtulong sa pagbuhay sa Ilog Pasig, ang pakarerang ito ay magbibigay rin ng pagkakataon sa men’s national team na makitang lumaro ng publiko. Guest team lamang sila pero ang mga makakalaban nila ay magkakaroon rin ng pagkakataon na malaman ang kanilang kalidad laban sa pinakamahusay na koponan sa bansa,” wika ni national coach at tournament director Len Escollante.
Sa 20-man long boat race ay gagawin sa Jones Bridge hanggang Plaza Mexico sa Intramuros.
Ang mga kategoryang paglalabanan ay sa 500m mixed at 500m men’s open at 200m mixed novice para sa mga collegiate teams.
Sinahugan ang palaro ng P180,000 premyo.