Maynila, Quezon City namayagpag sa NCR leg
MANILA, Philippines - Pumana ng gintong medalya ang host city sa archery, habang nagpatuloy ang agawan sa overall title ang Quezon City at Maynila sa National Capital Region qualifying leg ng Batang Pinoy 2011 sa University of Makati kahapon.
Tinarget ni Bianca Cristina Gotuaco, protégé ni dating Olympian Joan Chan-Tabañag, ang ikalawang ginto ng Makati matapos itong makatipon ng 547 puntos sa FITA double 18-meter event.
Hindi naman nagpaiwan si Louis Mark Valmocina ng Quezon City na tinalo ang kakamping si Luis Gabriel Moreno, apo ng popular na actor/host German Moreno, sa boys FITA double 18m.
Nakapagtala si Valmocina ng 527 puntos para talunin ang 524 ni Moreno.
Dinomina ng mga atleta ng Maynila ang athletics nang sungkitin ang 11 sa pinaglabanang 15 gintong medalya kabilang ang centerpiece event na 100m dash kung saan nagwagi si Maika Lou Dizon sa girls class sa oras na 13.42 segundo at si Venz Peña naman sa boys division (11.47 segundo).
Nanalo rin para sa Maynila sina Ervin Villanueva sa boys 110m high hurdles (15.79 segundo); Steve Christian Miguel sa boys long jump (5.93m); John Robertson Madayag sa boys 400m run (1.01.2); Roan Michelle Timcang sa girls 400m (1:02.2); May Allaine Tagalog sa girls 1,500m run (5:35.00); Vincent Jacob Nabong sa boys 1,500 run (4:29.76); Angelika Datahan sa 2,000m run girls (7:45.42) at ang mga koponan nito sa 4 x 400m boys and girls relay.
Iniuwi naman ni Paula Mae Bardaje ang dalawang ginto para sa Marikina.
- Latest
- Trending