MANILA, Philippines - Ang mga pambato ng Maynila ang nanguna sa athletics, samantalang namayani naman ang mga tankers ng Quezon City sa swimming event ng National Capital Region qualifying leg ng Batang Pinoy 2011 sa University of Makati.
Inangkin ni Garry Santiago ang tatlong gintong medalya sa boys throwing events at iniuwi ni Stephanie Santiago ang dalawa sa tatlong ginto sa girls throwing event ng athletics.
Naghagis ang 14-anyos na si Santiago ng 13.99 metro sa shot put boys bago idinagdag ang discus throw sa inihagis nitong 35.29m at ang javelin throw sa layong 47.74m.
Ang 13-anyos namang si Stephanie, walang kaugnayan kay Santiago, ang namayagpag sa shot put girls sa layong 8.59m at idinagdag ang discus throw sa itinala nitong 25.32m.
Sumisid naman ang Quezon City ng 15 sa nakatayang 22 ginto sa swimming event.
Sumungkit ng tatlong ginto ang15-anyos na si John Jeric Santos sa 200m medley relay kung saan niya nakasama sina Alberto Batungbacal, Jeremy Bryan Lim at Christian Limsui na nagtala ng 2:02.37.
Nanalo rin ang 3rd year high school sa Grace Christian College na si Santos sa boys 14-15 50-meter freestyle (26.77) at 200-meter backstroke (1:05.90).
Nagsipag-uwi rin ng tigalawang ginto ang iba pang QC tankers na sina Jeremy Bryan Lim (boys 14-15 200m medley relay at 200m free), Alberto Batungbacal (boys 14-15 200m medley relay at 100m breast), Christian Edward Limsui (boys 14-15 200m medley relay at 50m fly) at Baron Joaquin Ong sa boys 12-13 200m free at 50m fly.
Nanalo rin ang City of Manila ng limang ginto mula kina Joleyrina Michaela Buna sa girls 14-15m free at 100m back,Jowan Clark De Veyra sa boys 12-13 100m breast, Maria Camille Cortey sa girls 14-15 100m breast at Joshua Yang sa boys 12-13 100m back.