MANILA, Philippines - Nagwakas na ang paglahok ng Pilipinas sa taekwondo sa Olympics nang matalo ang apat na isinabak sa Asian Taekwondo Olympic Qualifying Tournament sa Bangkok, Thailand nitong Nobyembre 26 at 27.
Hindi nakaporma ang mga SEA Games medalist na sina John Paul Lizardo, Samuel Morrison, Ma. Camille Manalo at Kirstie Alora sa kani-kanilang weight divisions para maputol ang paglalaro ng Pilipinas sa martial arts sport na ito na ipinasok sa Olympics noong 1988 sa Seoul Korea.
Ang mga magmemedalya sa mga kasaling jins sa dalawang araw na torneo ang siyang aabante sa London Games.
Si Lizardo na nanalo ng ginto tulad nina Manalo at Alora sa Indonesia, ang nagpakita ng magandang laban nang manalo ito kay Tameem Al-Kubati ng Yemen, 14-10, sa unang laro sa -58 kilogram division.
Pero tumaob siya sa quarterfinals match laban kay Le Huynh Chau ng Vietnam, 4-9, para matapos ang kampanya.
Masasabing si Chau ay itinago ng Vietnam dahil hindi ito sumipa sa SEA Games sa Indonesia at ang nasabing jin ay nakapasok pa sa London Olympics nang kunin ang bronze sa nasabing weight class.
Ang ikalawang pambato sa kalalakihan na si Morrison na nanalo ng bronze medal sa 26th SEAG, ay natalo agad laban kay Yeung Tsz Wing ng Hong Kong, 9-15, sa men’s -68 kilograms
Sina Manalo at Alora ay hindi rin pinalad sa unang laban at ang una ay yumukod kay Mayu Hamada ng Japan, 4-16, sa women’s -57 kilograms habang namahiga ang huli sa -67 kilograms dala ng disqualification sa laban nila ni Mahita Shahi ng Nepal.
Bago ito ay nabigo rin sina Lizardo, Marlon Avenido, Jyra Lizardo at Jade Zafra sa idinaos na World Olympic Qualifying mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 4 sa Baku Ajerbaijan.
Ipinasok ang taekwondo sa Olympics mula noong 1988 at maliban sa 1996 Atlanta na kung saan hindi isinama ang contact sport, ang Pilipinas ay laging may kinatawan sa torneo.
Sina Tshomlee Go at Maria Antoinette Rivero ang mga kumatawan sa Pilipinas sa 2008 Beijing Olympics pero hindi sila pinalad na manalo.
Si Rivero ay isang two-time Olympian dahil lumaro rin siya sa 2004 Greece Olympics at minalas na kapusin ng isang panalo para magkaroon ng bronze.
Ang nasabing jin ay dapat na kasama sa pambansang delegasyon sa Bangkok pero minalas na nagkaroon ng ACL sa kanang tuhod.