Baguio overall champion sa BP
MANILA, Philippines - Umagaw ng atensyon sina boxers Ryan Reyes at Jerusalem Galvez ng La Union sa pagpasok sa huling araw ng kompetisyon sa Central at Northern Luzon 2011 Batang Pinoy sa Baguio City.
Sina Reyes at Galvez ay parehong humirit ng knockout panalo para bigyan ng apat na ginto ang La Union sa boxing at maitaas sa 10 ginto, 9 pilak at 8 bronze medals ang kanilang napanalunan at maokupahan ang ikalawang puwesto sa medal standings.
Ang host Baguio ang siyang number one sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission at may ayuda ng SMART, Maynilad at Summit Mineral Drinking Water.
May 63 ginto, 54 pilak at 54 bronze medals ang pambato ng host City para selyuhan ang pangunguna sa palarong ginagawa upang makadiskubre ng mga batang atleta na maaaring katawanin ang Pilipinas sa Youth Olympic Games sa 2014.
Umani pa ng 14 ginto mula sa 16 weight divisions na pinaglabanan ang Baguio sa larangan ng taekwondo sa palarong suportado rin ng Milo, Jollibee, Standard Insurance, The British Council, Manila Bulletin, Negros Navigation-Super Ferry, Kids 3 Food Supplement at RELIV Now for Kids.
Kuminang ang La Union sa larangan ng 3-on-3 basketball habang ang Pangasinan ay kumulekta ng kampeonato sa girls 3-on-3 bukod pa sa mixed doubles sa tennis.
Humataw din ang Baguio sa lawn tennis at sa swimming na pinagkunan ng medalya tungo sa overall title.
Samantala sisimulan ngayon ang National Capital Region elimination na gagawin sa University of Makati.
Aabot sa 400 manlalaro mula sa Kalookan, Malabon, Manila, Parañaque, Pasay, Pateros, Marikina at host Makati ang maglalaban-laban sa fourth leg at ang mananalo ay aabante rin sa National Finals sa Naga City, Camarines Sur mula Disyembre 10 hanggang 13.
- Latest
- Trending