MANILA, Philippines - Pilay ang Azkals na sasabak sa 2012 AFC Challenge Cup sa Marso 3 hanggang 18 sa Nepal.
Ang mga Fil-Foreign players na sina Stephan Schrock, Paul Mulders, Jerry Cagara at Dennis Lucena ay hindi sigurado kung makakasama sa koponan dahil sa kanilang mga mother clubs sa Europe.
“At this point in time, we don’t want to be too optimistic on being able to come up with a complete team,” wika ni Dan Palami na siyang team manager ng Azkals.
Ang Challenge Cup ay hindi sakop ng FIFA kaya’t malabong ipahiram ang nasabing manlalaro ng kanilang mother teams.
Tanging sina Rob Gier at Ray Jonsson pa lamang ang nagpasabi na lalaro sila sa koponan kaya’t nais ni Palami na makausap ang mga koponang pinaglalaruan ng ibang Fil-Foreign para mapahintulutan ang mga ito na makalaro kahit sa ilang laban lamang.
“Right now, what we’re trying to do is talk to the clubs to allow them to at least send their players for two games. Once we know whom the clubs have allowed, then we determine what game they’ll play, first two games, next two games, those things,” paliwanag pa ni Palami.
Ang mga player na nakabase sa bansa ay bibigyan naman ng matinding pagsasanay upang hindi maapektuhan kapag pumasok na ang ilang Fil-foreigners sa aktuwal na laban.
Magsisimula ang pagsasanay ng Azkals sa Disyembre 8 at kasama sa plano ay ang pagtungo sa Gulf region para sa training camp. Balak ding magsagawa ng laro ang Azkals laban sa Nepal sa Pebrero 29 para mas maikondisyon ang mga manlalaro.
Nakasali ang Pilipinas sa AFC Challenge Cup sa unang pagkakataon nang tumapos sa ikalawang puwesto sa Group B sa qualifiers.
Ang mga makakalaro ng Pilipinas sa Challenge Cup bukod sa host Nepal ay ang Palestine, India, Turkmenistan, Maldives, Taijikistan at North Korea.