MANILA, Philippines - Tinapos ni Francisco “Django” Bustamante ang pagdodomina ng mga dayuhang cue artist sa mga Pinoy nang kunin ang 9-8 panalo laban kay Daryl Peach ng Great Britain sa Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series nitong Sabado ng gabi sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Inakala ng mga miron na mabibigo uli ang Pilipinas nang makabangon si Peach mula sa 3-5 at 4-6 iskor at nakalamang pa sa 8-7.
Sargo rin si Peach sa 16th rack pero may suwerteng kumapit kay Bustamante nang sumablay ito sa 8-ball upang makatira pa ang Filipino cue artist at itabla ang laban sa 8-all.
Dahil winners-break ang format ng 10-ball competition, si Bustamante ang may tira at tinapos ang laban sa 17th race.
“I could have won the match if not for my error,” wika ni Peach na naunang nanalo kay Ronato Alcano noong nakaraang linggo sa palarong inorganisa ng Mega Sports World at BRKHRD Corp sa pakikipagtulungan sa Airport Casino Filipino, Crown Sound System Sakura Amplifiers and Home Theater Systems, Malungai Life Oil, Diamond Billiard table, Hermes Sports Bar, I-Bar, Golden Leaf Restaurant, Bugsy Promotions, Billiards Managers at Players Association of the Philippines (BMPAP).
Bago ang labang ito na kung saan ang Philippine Star ang media partner, ang Pilipinas ay hindi nakaporma sa mga dayuhan.
Si Ralf Souquet ang nasalang sa unang dalawang edisyon at nanalo siya kina Dennis Orcollo at Carlo Biado.
Sumunod si Peach na tinalo si Alcano bago ibinalik ni Bustamante, isang bronze medalist sa katatapos na 26th SEA Games sa Indonesia, ang pananalig sa mga pambato ng bansa sa kinuhang dikitang panalo.
Napapanood sa mga websites na www.megasportsworld.com.,www.philippinebigtimebilliards.com at www.starbilliards.com bukod sa Solar Sports, Sky Channel 70 at Destiny Channel 34, may limang face off pang magaganap bago matapos ang taong 2011.
Si Lee Van Corteza ang sunod na mapapalaban sa Disyembre 3 laban kay Yang Ching Shun ng Chinese Taipei bago bumalik si Orcollo kontra rin kay Yang sa Disyembre 10.
Sasagupain ni Roberto Gomez ang Taiwanese na si Chang Jun-lin sa Disyembre 17; si Alcano ay makakaharap ni Chang sa Disyembre 23 habang ang huling laro ay sa pagitan ni Efren “Bata” Reyes kontra kay Wu Chia Ching ng China sa Disyembre 30.