PFF tututukan din ang women's football

MANILA, Philippines - Pagtutuunan din ng Phi­lippine Football Federation (PFF) ang women’s football team na nagsisimulang bumalik sa kompetisyon gamit ang binuong Malditas.

Ito ang tiniyak ni PFF pre­sident Mariano “Nonong” Araneta na pormal na naupo uli sa kanyang puwesto nang walang nakalaban sa pampanguluhan sa idinaos na PFF Congress/Election kahapon sa Asturias Hotel sa Ortigas, Pasig City.

Mababahagian ang women’s team ng pondo mula sa Financial Assistance Program (FAP) para magamit sa masinsinang pagsasanay dahil lalahok ang Malditas sa torneo sa Qatar at sa AFF women’s championship sa 2012.

Isusulong din ng PFF ang malawakang grassroots program na ang resul­ta ay makikita sa 2019 sa hangaring pagpasok ng U-17 team sa World Cup.

Lahat ng 32 regional pres­idents o kanilang kinatawan ay nagkaisa na iluklok si Araneta sa puwesto at maninilbihan sa samahan sa loob ng apat na taon.

Iniupo naman bilang Board of Governors sina Roland Tulay, Diobe Arellano, Leopoldo Arnaiz at Mario Garovillo sa Luzon; Carlos Cojuangco, Dick Emperado, Richard Montayre at Dan Palami sa Visayas at Ramon Manlunas, Abenio Labja, Cabili Sinsuat at Falaviano Fucoy sa Mindanao.

Show comments