MANILA, Philippines - Hinirang si Angela Caronongan bilang isang quadruple gold medalist mula Baguio City upang patuloy na kuminang ang host City sa idinadaos na qualifying leg sa Northern at Central Luzon ng 2011 Batang Pinoy.
Ang 15-anyos na 2nd year mag-aaral ng Baguio City National High School ay nanalo sa girls 400m dash sa 1:01.99 para isama sa gintong medalya sa larangan ng high jump, 200m dash at classical relay na idinaos sa Teacher’s Camp Track Oval.
Hindi naman inakala ni Caronongan na magagawa niya ang bagay na ito dahil tumigil siya ng pagsasanay pagka-graduate sa elementary.
Si Joeh Noel Huerta ng Munisipalidad ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya ang lumabas na unang 4-gold medalist sa kalalakihan nang manalo sa triple jump (12.31m) upang idugtong sa tagumpay sa 100m dash, long jump at high jump.
Suportado ng Smart, Maynilad at Summit Mineral Drinking Water, ang Baguio City ay mayroon ng kabuuang 19 ginto sa track and field at kasunod ang Nueva Vizcaya (4), San Jose del Monte City (3) at Zambales (1).
May ayuda rin ng Milo, Jollibee, The British Council, Standard Insurance, Manila Bulletin, Negros Navigation-Super Ferry, Kids 3 Food Supplement at RELIV Now for Kids, kuminang din ang manlalaro sa City of Pines sa lawn tennis nang umukit ng 3-0 sweep ang girls team habang 4-0 naman ang karta ng boys team.
Ang Bontoc ay nagpasikat sa larangan ng archery nang manalo si Qun Gayad matapos ang 473 marka sa boys double 18 meters habang si Reena Jean Tolentino mula Magalang, Pampanga ang nagbigay ng unang ginto sa kanyang delegasyon sa 463 puntos.
Ang mga gold medalist sa palarong ito ay aabante sa National Finals sa Naga City, Camarines Sur sa Disyembre 10-13.