MANILA, Philippines - Kung maitatakda ang kanilang mega-fight ni Manny Pacquiao, titiyakin ni unbeaten American boxer Floyd Mayweather, Jr. na siya ang magdidikta ng detalye ng kanilang fight contract.
Sinabi kahapon ni Mayweather na siya ang dapat masunod dahil mas sikat siya kay Pacquiao.
“We tell you what we’re going to give you, and you can take it or you don’t have to. We’re the A-side,” ani Mayweather sa panayam ng Boxingscene.com.
Kinumpirma kamakalawa ng 32-anyos na si Pacquiao ang pagpapapunta niya kay Canadian adviser Michael Koncz sa Las Vegas, Nevada upang makipagpulong kay Bob Arum ng Top Rank Promotions para sa kanilang laban ng 34-anyos na si Mayweather sa Mayo ng 2012.
Dalawang beses nabalam ang naturang Pacquiao-Mayweather super bout dahilan sa reklamo ng American fighter.
Isa rito ay ang pagsailalim nila ng Filipino world eight-division champion sa isang Olympic-style random blood testing.
Naging isyu rin ang kanilang purse split kung saan gusto ni Mayweather na makuha ang 60-40 hatian.
“If Floyd Mayweather tell you he’s going to make 50 million, he’s probably going to make 70 million,” sabi ni Mayweather. “After a fight, there is no telling on how much I really make. Am I going to be the highest paid athlete at the end of the year? Most likely.”
Nauna ring inihayag ng adviser ni Mayweather na si Leonard Ellerbe ang muling pag-akyat ng American boxer sa boxing ring sa Mayo 5, 2012 laban sa isang ‘litte fella’ na sinasabing si Pacquiao at hindi si Erik Morales na naunang hinulaan ni Arum na lalabanan ni Mayweather.
Kumuha si Pacquiao ng isang majority decision victory sa kanilang pangatlong pagtatagpo ni Juan Manuel Marquez para mapanatiling hawak ang WBO welterweight crown noong Nobyembre 13 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Pinabagsak naman ni Mayweather si Victor Ortiz sa fourth round noong Setyembre mula sa sinasabi niyang “legal sucker punch” upang maagaw sa huli ang suot nitong WBC welterweight crown.