MANILA, Philippines - Binigyan na ni Manny Pacquiao ng ‘go signal’ ang kanyang business adviser na si Michael Koncz para kausapin si Bob Arum ng Top Rank Promotions kaugnay sa kanilang megafight ni Floyd Mayweather, Jr. sa susunod na taon.
Si Koncz ay bumiyahe sa Las Vegas, Nevada kung saan naroon ang Top Rank office para makipagpulong kay Arum.
“He’s meeting with Bob to make the Mayweather fight,” wika ng source ng FightHype.com kahapon.
“They’ve got the investors. The money is there. It’s what Manny wants. It’s just a matter of whether or not Bob is willing to make it happen,” dagdag pa nito.
Nagmula si Pacquiao sa isang kontrobersyal na majority decision victory laban kay Juan Manuel Marquez noong Nobyembre 13 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Kagaya ng mga boxing fans, gusto ring matuloy nina chief trainer Freddie Roach at strength and conditioning coach Alex Ariza ang megafight nina Pacquiao at Mayweather.
“I’m with Freddie we want a Mayweather fight, next,” wika ni Ariza, sinasabing nakagalit ni Pacquiao bago ang pakikipagtagpo kay Marquez.
Ayon pa kay Ariza, mararamdaman ng 34-anyos na si Mayweather na kayang-kaya niyang talunin si Pacquiao matapos mabigo si ‘Pacman’ na mapabagsak ang 38-anyos na si Marquez sa kanilang ‘trilogy’.
“Maybe Manny not having his “A game” will entice Floyd into the fight,” sabi ni Ariza. “I do think they (Marquez/Pacquiao) should fight again but let’s try something else for now a Marquez fight is always there.”
Dalawang beses nang nabalam ang Pacquiao-Mayweather super bout dahil na rin sa ilang isyu na pinalitaw ng undefeated American fighter.
Ilan rito ay ang pagsailalim nila sa isang Olympic-style random blood at urine testing pati na ang tungkol sa purse split.
Nauna nang nagparamdam ang adviser ni Mayweather na si Leonard Ellerbe kaugnay sa muling pag-akyat ng American boxer sa boxing ring sa Mayo 5, 2012 laban sa isang ‘litte fella’.
Ang tinutukoy ni Mayweather na ‘little fella” ay sinasabing si Pacquiao at hindi si Erik Morales na naunang hinulaan ni Arum.
Pinabagsak ni Mayweather si Victor Ortiz sa fourth round noong Setyembre mula sa sinasabi niyang “legal sucker punch” para maagaw sa huli ang hawak nitong WBC welterweight title.
Samantala, isang hero's welcome naman ang tatanggapin ng Sarangani Congressman sa kanyang pag-uwi sa General Santos City ngayong araw.
Naghanda ang lungsod ng isang motorcade kung saan sasakay si Pacquiao sa isang float na may nakakabit na higanteng title belt.