5 RP Blu Girls pambato ng Rizal Province
MANILA, Philippines - Nagbunga ang pagpasok ng local government ng Rizal Province sa larangan ng sport matapos manalo ang women’s softball team ng gintong medalya sa 26th SEA Games sa Indonesia.
Ang Rizal Province sa pangunguna ng Gobernador na si Casimiro “Jun” Yñares ang tumangkilik sa limang kasapi ng Blu Girls na winalis ang kompetisyon patungo sa ika-pitong titulo ng Pilipinas sa women’s softball sa regional games.
Sina Karen Paghubasan, Melanie Laserna, Veronica Bellaza, Joy Parilla at Marlyn Francisco ang mga tubong Rizal Province.
“Nagsimula ang limang ito sa mga maliliit na tournament at patuloy silang inaalagaan ni Gov. Yñares na nagbibigay ng kanilang food allowances. Hindi naman nasayang ang mga perang itinulong ng aming Gobernador dahil heto at kasapi sila sa national team na nanalo muli ng ginto sa SEA Games,” wika ni Atty. Rolly Rivera, pinuno ng legal department ng Rizal Province.
Inaasahang may mga citations na ipalalabas ang Rizal Province upang kilalanin ang naibigay na karangalan ng limang manlalaro na kabilang rin sa Rizal team na naglaro noong 2009 World Softball Series.
Nananalig si Rivera na patuloy na bubuhos ang suporta ng pamahalaan ng Rizal sa sports lalo na sa softball matapos ang tagumpay sa SEA Games.
Hinimok rin ni Rivera, ang dating pangulo ng ASA-Phil na ngayon ay Executive Vice President ng nakaupong pangulo na si Jean Henri Lhuillier, ang iba pang local government units na magsimulang tumulong sa sports development upang umangat na ang sport sa bansa.
“Maraming atleta pero kulang sa suporta. Kung lahat ng mga LGUs ay maglalaan ng pondo para sa sports, walang duda na maipapakita ng atletang Pinoy na sila ay mga world class athletes,” dagdag pa ni Rivera.
- Latest
- Trending