PALEMBANG, Indonesia --- Hindi malayo na lumabas bilang pinakaproduktibo para sa Pilipinas ang huling araw ng kompetisyon bago magsara ang 26th SEA Games dito.
Umani ng dalawang ginto ang sanda athletes ng wushu habang tig-isa ang ibinigay ng track team sa cycling, mixed team sa tennis, chess at equestrian para magkaroon na ng limang ginto ang delegasyon kahapon.
Sina Dennis Galvan at Charly Suarez ay sumampa sa finals sa men’s boxing na siyang huling hirit ng pambansang delegasyon sa edisyon at kung manalo pa, ang pitong ginto na makukuha ang pinakamataas na naitala ng koponan sa isang araw sa edisyong ito.
Nangibabaw si Mark Eddiva kay Youne Victorio Senduk ng host country sa 65 kilogram, habang ang beteranong si Edward Folayang ay nanalo kay Edon Khanxay ng Laos nang naghagis ng puting tuwalya ang kanyang corner sa kanilang tagisan sa 70-kilogram
Sina Marianne Mariano at Benjie Rivera na naglaro sa 56 kilogram ay nakuntento na lamang sa pilak nang matalo kina Tan Thi Ly at Phan Van Hau ng Vietnam.
Humataw naman ang 19-anyos na si John Mier nang manalo sa 30-kilometer Point Race sa track event ng cycling.
Nakalikom ng kabuuang 55 points si Mier para sa ikalawang ginto ng bansa sa track event kasunod ni Alfie Catalan na nanalo sa 4-kilometer Individual Pursuit kamakalawa.
Tinapos rin nina Treat Huey at Denise Dy ang mga mapapait na kabiguang sinapit sa mga kamay ng Indonesia sa mga naunang events nang bumangon mula sa first set loss tungo sa 4-6, 6-3 (10-6) panalo laban kina Jessy Priskila Rompies at Christopher Rungkat.
Ang panalo ay pambawi ni Huey matapos silang mabigo ni Cecil Mamiit sa men’s doubles laban kina Rungkat at Alexander Sie, 6-2, 2-6, (7-10).
Hindi naman binigo nina Diego Lorenzo at Toni Leviste ang paniniwalang kaya nilang paningningin ang Pilipinas sa larangan ng equestrian nang kunin ang unang dalawang puwesto sa mixed individual showjumping.
Katuwang 21-anyos na si Lorenzo ang kabayong Grace, habang si Magic ang sinakyan ni Leviste at kapwa walang pagkakamali na naitala ang dalawa sa paglagpas sa mga barriers sa course.
Pero si Lorenzo ang siyang nabigyan ng ginto at pilak kay Leviste dahil sa mas mabilis nitong oras.
Nakabawi rin si GM Wesley So sa kanyang kabiguan sa standard individual chess event matapos na kunin ang gold sa blitz event nang walisin ang siyam na round.
Nabigo ang men’s dragon boat team na masikwat ang ginto nang makuntento sa silver sa 2,000m long boat race, habang sina So at Fil-Australian cyclist Apryle Eppinger ay may silver sa men’s standard chess at sprint race, ayon sa pagkakasunod..