Magandang posisyon itataya ng Big Chill, Cebuana laban sa Café France at Blackwater
MANILA, Philippines - Sasalang ang mga koponang nasa itaas ng team standings at magnanais na mapanatili ang kanilang magagandang puwesto sa pagpapatuloy ng 2011 PBA D-League Aspirants Cup sa Trinity University of Asia Gym.
Target ng Big Chill na makabalik sa pagsalo sa liderato na solo ngayon ng Freego Jeans sa pagharap sa Café France sa alas-2 ng hapon bago sundan ng mainit na bakbakan sa pagitan ng Cebuana Lhuillier at Blackwater sa alas-4 ng hapon.
Magkasalo sa 3-1 karta ang Gems at Elite kaya ang mananalo ay mananatili sa ikalawang puwesto bukod pa sa pagbangon matapos lumasap ng kabiguan sa huling laban.
Parehong nagwakas ang naunang malinis na 3-0 baraha nang dumapa ang Gems at Elite sa Freego Jeans sa huling asignatura.
Tiyak namang ayaw ng Super Chargers na magwakas ang pagpapanalo sa 11 koponang liga lalo pa at ito ang best start sa dalawang taong paglahok ng bataan ni coach Arsenio Dysangco.
“Kahit maganda ang start namin ay gutom pa rin ang koponan. Kailangan ding pumukpok dahil mahalagang panalo ang nais din ng Café France,” wika ni Dysangco.
Mula sa 78-73 panalo ang Bakers pero sa kanilang 1-3 karta, kailangan nilang maipanalo ang mga susunod pang laro upang manatiling palaban sa titulo.
Didiretso sa semifinals ang top two squads matapos ang single round elimination, habang ang apat na teams na nakabuntot ay maglalaro naman sa quarterfinals.
- Latest
- Trending