PALEMBANG, Indone sia - Nanumbalik ang dominasyon ng Pilipinas sa SEA Games baseball nang talunin ang host Indonesia, 2-0, sa finals kahapon na nilaro sa Jakabaring Sports Complex dito.
Nakaiskor ang Nationals sa bottom sixth mula sa fielding error bago humataw si Jonash Ponce ng kanyang ikalawang single at mapapasok si Fulgencio Rances patungo sa ikalawang run sa pagtatapos ng walong inning.
Kinumpleto naman ni Darwin dela Calzada ang solidong pagpukol matapos balewalain ang pagkakaroon ng Indonesian runners sa first at second bases nang iretiro ang sumunod na tatlong hinarap para maiwagayway muli ang bandila ng Pilipinas sa regional games.
"Una sa lahat ay salamat sa Panginoon at sa mga kababayan naming sumuporta at nagdasal sa team. Ang panalong ito ay para sa ating lahat," wika ni national coach Edgar delos Reyes.
Bunga nito, naibalik ng bansa ang titulong hawak noong 2005 SEA Games.
Natalo ang bansa sa Thailand noong 2007 at ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataong bawiin ang korona dahil walang baseball na isinagawa sa Laos noong 2009.
Ang koponan ay muntik ring hindi ilahok ng mga sports officials pero ang pagpupumilit ng ibang stakes holders ang nagtulak para ipadala ang grupo gamit ang sariling pondo.
Una nang kumuha ng dalawang ginto ang men's at women's softball teams na binalak ring tanggalin ng Philippine Olympic Committe (POC) sa listahan.