Catalan muling nagkampeon sa SEAG cycling
WEST JAVA, Indonesia -- Determinasyon.
Sa ganitong salita sinuma ni Alfie Catalan ang rason kung bakit napagtagumpayan niyang bigyan muli ng gintong medalya ang Pilipinas sa larangan ng 4-kilometer Individual Pursuit sa track event ng cycling kahapon sa Rawamangun Velodrome sa West Java.
Naghari noong 2005 at 2007 SEA Games pero naisuko ang titulo ng walang laban matapos hindi makalaro sa Laos noong 2009 dahil sa problema sa liderato ng cycling, inanunsyo ni Catalan ang kanyang pagbabalik nang talunin si Projo Waseso ng Indonesia at ibigay ang kauna-unahang ginto ng cycling team.
"Determinasyon at tiwala sa sarili ang nagtulak sa akin para manalo rito. Maraming problema kaming hinarap gaya ng walang exposure at hindi magandang training venue pero kahit anong dumating na problema, kung dedicated ka, mananalo ka," wika ni Catalan.
Pumangalawa lamang sa qualifying round kay Waseso, kinailangan rin ni Catalan na kumaripas matapos makauna ang hometown bet at sa ikalawang ikot.
Nagsumite si Catalan ng tiyempong 4:53.103 para sa gold medal kasunod si Waseso na may oras na 4:56.103.
- Latest
- Trending