Suarez, Galvan magpipilit makasuntok ng ginto
PALEMBANG, Indonesia --- Kailangang maging agresibo sina lightweight Charly Suarez at light welterweight Dennis Galvan para makaiwas sa anumang masamang desisyon mula sa mga hurado.
Ito ang paalala ni national coach Pat Gaspi kina Suarez at Galvan na lalaban ngayon sa finals sa pagtatapos ng boxing event sa 26th SEA Games dito sa Kampus Indoor Basket Hall.
"Hindi puwedeng pa-pitik-pitik lang at baka pumasok ang referees at judges sa picture. Kung puwedeng i-knockout, kailangang very convincing ang panalo," wika ni Gaspi kina Suarez at Galvan na makakalaban ang mga local bets na sina Matius Mandiangan at Afdan Bachtila, ayon sa pagkakasunod.
Gusto nina Suarez at Galvan na madagdagan ang dalawang ginto, isang pilak at isang tansong medalya na naibulsa ng koponan.
Sina pinweight Josie Gabuco at light flyweight Alice Kate Aparri ang naghatid ng dalawang ginto pero kinapos naman si bantamweight Nesthy Petecio nang matalo kay Peamwliai Laopeam ng Thailand.
Ang isang bronze ay naibigay ni 2010 Asian Games gold medalist Rey Saludar sa light flyweight class nang matalo kay Julio Bria ng Indonesia.
Si Suarez ang nagdedepensang kampeon at patok na manalo matapos kalusin si Ardee Saylom ng Thailand sa semifinals.
Sinuwerte naman ang rookie na si Galvan dahil umabante na siya sa semifinals at tinalo si Azmi Khirakyazlan ng Malaysia, 12-1, upang mas sariwa na papasok sa bakbanan.
Ayaw magbigay ng prediksyon nina Suarez at Galvan bagkus ay ipinangako lamang nila na gagawin ang lahat ng makakaya para manalo.
- Latest
- Trending